Lola binugbog, sinaksak ng lasing na bayaw

Micheal Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 09:00 AM

MANILA - Sugatan ang isang 53-anyos na lola makaraang bugbugin at saksakin ng kanyang lasing na bayaw sa Las Piñas City, Linggo.

May bukol sa noo at nakabenda pa ang mga sugat sa kamay at paa ng biktimang si "Amelita" nang dumulog sa Las Piñas City police headquarters matapos makalabas sa ospital.

Kasama ng biktimang dumulog sa pulisya ang kanyang asawa na si "Rolando", kapatid ng suspek na si "Andres."

Kuwento ni Rolando, kinuwelyuhan, sinakal, sinapak at pinagsasakak ni Andres ang biktima sa loob ng kanilang bahay sa Camalig Street, Barangay CAA.

Nasaksikhan pa aniya ng 15-anyos na anak ni Amelita ang karahasan.

Hindi nila malaman ang motibo ng suspek pero gumagamit anila ito ng ilegal na droga at dati na ring nakulong dahil sa kasong murder.

Balik-bilangguan na si Andres at nahaharap sa patong-patong na kaso.

Sa hiwalay na panayam, iginiit ng suspek na gawa-gawa lang ng biktima ang paratang.

Hindi umano magagawang saktan si Amelita kahit pa matagal na silang nagkakaalitan.

Nagkaroon aniya sila ng iringan kaugnay sa tinitirahang bahay at bayarin sa kuryente.

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang biktima at suspek dahil sa maselang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.