1 patay, 3 sugatan sa pagwawala ng lalaki sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 11:25 AM

Nakahiga sa loob ng ambulansya ang isa sa 3 nasugatan matapos magwala ang isang lalaki sa Iloilo. Isa pang biktima ang nasawi sa insidente. Cherry Palma, ABS-CBN News

LAMBUNAO, Iloilo - Isa ang patay habang tatlo ang sugatan matapos magwala at manaksak ang isang lalaki dito, Sabado ng gabi.

Kuwento ng isang saksi, nasa covered gym ang mga biktima at nanood ng paghahanda para sa bisperas ng fiesta ng Barangay Maribong nang magwala ang suspek na si Rey Castor.

Tinaga ni Castor ang lahat ng mga nagtangkang magpakalma sa kanya, ayon sa imbestigador na si PO2 Jessie Fusin.

Pinaniniwalaan aniyang lasing ang suspek.

Idineklarang dead on arrival sa Calinog District Hospital si Randy Castor, 28 anyos. Hindi kamag-anak ng biktima ang suspek bagama't magkapareho sila ng apelyido.

Samantala, nagtamo naman ng mga taga sa balikat at likod sina Gilbert Lozada at Roel Ponte. Sugatan din ang isang LJ Lozada.

Sumuko ang suspek sa mga awtoridad Linggo ng umaga.

Nahaharap siya sa mga kasong murder at frustrated murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.