Kuwento ng inang mag-aaral: Lahat kakayanin para sa anak, pangarap

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 07:11 PM | Updated as of May 14 2017 02:55 AM

MANILA – Para kay Rowena Velez, “motherhood is love.”

Sa edad na 26, ikinatutuwa niya na nagagawa niyang ipagsabay ang kanyang papel bilang isang ina at ang pagiging isang estudyante.

"One year na lang po at ga-graduate na kami ni LO (little one) ko sa college," ibinahagi ni Velez sa Facebook page ng Breastfeeding Pinays, isang pribadong grupo ng mga Pilipinang nagpapasuso ng kanilang mga anak.

Masaya si Velez dahil hindi niya kinailangang isuko ang kanyang pangarap na makatapos para mas matutukan ang kanyang anak.

Photo courtesy of Rowena Gavilo Velez

“Araw-araw, dala-dala ko po si LO sa school. Minsan, habang nage-exam ako, dumedede sa kin,” kwento pa niya. Ang LO na tinutukoy ni Velez ay ang 2-taong gulang na anak na si Jastynne Zowe Velez Aguilar.

Laking pasalamat din niya dahil mas naging madali ang kanyang desisyong isama ang kanyang anak habang nagaaral dahil may suporta siya ng eskwelahan, mga propesor at maging ng kanyang mga kaklase.

"The moment na nag decide ako to bring LO to school, alam ko na mas makakatulong ito sa akin, na mapanatag ang loob ko habang nasa school ako at ganun din po si baby. At first medyo mahirap, pero ngayon super nag-eenjoy na po kami," sabi niya.

Kumukuha si Velez ng Bachelor in Secondary Education sa Dr. Emilio B. Espinosa Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology sa Cawayan, Masbate.

Photo courtesy of Rowena Gavilo Velez

Ang sakripisyong ito ni Velez ay hinangaan naman ng kanyang mga kaklase.

“Super humanga ang mga kaklase ko dahil kaya ko daw po pag sabayin ang pag-aaral at pag-aalaga kay baby. Napaka-supportive po nila. Minsan nga po sila ang taga bantay kay baby. Wala naman pong problema sa mga Profs ko dahil alam naman po nila ang sitwasyon namin,” sabi niya. 

Sa katunayan, sa ikatlong pagkakataon, nagawa na naman niyang maging bahagi ng Dean’s List ng kanyang kolehiyo.

Hindi din niya matatawaran ang suportang ibinigay ng kanyang asawa at pamilya nito. Ikinuwento pa niya na sila ang nagtulak sa kanya na magtapos ng pagaaral.

“Pinaka-idol ko po sa lahat ang mother-in-law ko dahil siya po ang Number 1 fan ko,” sabi niya. Pumanaw ang kanyang mother-in-law nitong Enero dahil sa breast cancer.

Kapag natapos na niya ang kolehiyo, nais ni Velez na kumuha at ipasa ang Licensure Exams for Teachers o LET upang maging isang ganap na guro.

Photo courtesy of Rowena Gavilo Velez

"To secure the future of my family. Gusto ko pong makatapos at makapasa sa LET dahil gusto ko rin pong makatulong upang maiangat ang educational system ng Pilipinas. Gusto ko pong magturo dahil ito po ang mission na ibinigay ng Panginoon sa akin," paliwanag niya.
 
Kapag napatulog na ang anak, dito na sinusulit ni Velez ang pagkakataon upang makapag-aral, gumawa ng report, at makipag-kwentuhan sa asawa.

“Mas ine-enjoy ko po ang moment na ito. Feeling ko nga po napaka blessed ko dahil 'di lahat ng tao ay naranasan ang kung ano ang meron ako ngayon. Minsan lang maging bata si baby, next year ga-graduate na po kami. So, dapat namnamin ko na ang moment na magkasama kami sa iisang school. Minsan lang 'to,” aniya.

Itinatrato ni Velez na isang inspirasyon ang kanyang anak, at hindi balakid para maabot ang mga pangarap sa buhay.

“We are flexible. Kaya nating gawin lahat! Hindi po balakid si baby o maging rason na hihinto tayo sa kung ano man ang gustong gawin natin sa buhay. Bagkus, sila pa ang gawing inspirasyon upang maabot natin ang mga iyon. Ke may anak man o wala. kayang kaya natin! Tiwala lang sa sarili!” payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.