2 drug suspek, patay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Novaliches

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 05:41 PM

Dalawang drug suspek ang patay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Novaliches Sabado.

Patay si Gary Sampaga at ang hindi kilalang kasamahan nito nang magpaputok sila habang nakikipagtransaksyon sa isang operatiba ng Quezon City district drug enforcement unit (DDEU).

Nagpaputok umano si Sampaga nang masilip na may kahalong marked money ang ibinayad sa kanya.

“Nagalit. Pinaputukan itong operatiba kaya kaming naka-position sa labas sinundan na namin ito at hinabol,” ani Police Chief Insp. Ferdinand Mendoza ng DDEU.

Tinamaan ng bala ang isang sasakyan ng mga pulis at bulletproof vest ng isang operatibang nakipag habulan sa mga suspek.

Binentahan umano ni Sampaga ang pulisya ng P10,000 na halaga ng shabu habang hindi bababa sa 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P250,000 ang nakuha sa mga suspek. 

Nakuha rin ang isang kalibre-.38 revolver at improvised shot gun.

Napagalaman na maghahatid umano sana ng droga sa Bulacan ang mga suspek ngayong araw kung hindi naka-transaksyon ang mga pulis.

“Ito’y isang grupong gumagalaw dito sa QC na engaged sa drug trafficking, gun running, and robbery holdup,” ani Mendoza.

Dalawang buwan pa lang ang nakakalipas mula nang makalaya si Sampaga sa kulungan.

--Ulat mula kay Angel Movido, ABS-CBN News