1 patay, 4 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Maynila

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 06:31 AM

Binawian na ng buhay ang isa sa limang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan Biyernes ng gabi sa intersection ng Solis Street corner Jose Abad Santos Avenue, sa Brgy. 103, Tondo, Maynila.

Kinilala ng Manila Traffic Bureau ang nasawi na si Roy Gomez, 29 anyos na tricycle driver, na nadamay sa unang banggaan ng isang SUV at isa pang pampasaherong tricycle.

Namatay si Gomez, na ayon sa kanyang pamilya ay hindi umano inasikaso sa ospital at pinaghintay kahit pa malubha ang tinamong sugat sa ulo.

May apat pang sugatan na pawang mga sakay ng tricycle, kabilang ang isang bata.

Ayon kay Leon Suanco, driver ng SUV, siya ang nakabangga sa mga tricycle matapos umanong mawalan preno ang minamaneho niyang sasakyan.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Naitabi na ang mga nagkabanggaang sasakyan para hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang ospital na pinagdalhan kay Gomez kaugnay ng reklamo ng pamilya niya. - DZMM Teleradyo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.