Pinuno umano ng 'Martilyo Gang' arestado sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 01:43 PM

Sa kuhang ito makikitang sumasalang sa booking process ang nahuling lider umano ng 'Martilyo gang.' Zhander Cayabyab, ABS-CBN News


MAYNILA - Nalambat na ng pulisya ang itinuturong utak ng mga pag-atake ng "Martilyo Gang" sa Metro Manila mula pa noong 2011.

Kinilala ang suspek na si Sulayman Dimapuro, pinuno rin umano ng Utap Robbery Group na ang puntirya ay mga tindahan ng alahas.

Nahuli si Dimapuro nang maisumbong sa pulisya na nagbebenta ito ng shabu nang may bitbit na baril sa Barangay CAA sa Las Piñas.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon pa kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, may standing warrant ang suspek dahil sa droga.

Arestado rin ang misis ni Dimapuro na kinilalang si Warda Alamada nang mahulihan ng ipinagbabawal na gamot.

Si Dimapuro ang itinuturong utak ng pag-atake ng Martilyo Gang sa mga tindahan ng alahas sa Metro Manila.

Kabilang dito ang pagatake sa Recto noong 2011, SM Mega Mall at North noong 2013, at sa Farmers' Plaza at SM MOA noong 2014. 

Tinawag silang Martilyo Gang dahil gumagamit ang mga ito ng martilyo sa pagbasag ng mga salamin sa mga tindahan ng alahas.

Kung hindi martilyo, gumagamit naman ang grupo ng llabe-tubo at bakal.

Nang ipagbawal na ang pagdadala ng mga ito sa mga mall, sa loob na ng hardware sa mall bumibili ng gamit ang mga suspek.--Ulat ni Radyo Patrol Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.