P2-M nawala sa 4 senior citizen sa 'tanim-droga', ayon sa abogado

Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 11:40 AM | Updated as of May 11 2017 12:24 PM

MANILA - Nawalan ng mahigit P2 milyon cash ang 4 na senior citizen matapos umanong taniman ng ebidensyang iligal na droga ng mga awtoridad, pagbubunyag ng kanilang abogado Huwebes.

Ayon sa abogado, nawala ang pera nang magsilbi ng search warrant ang hindi bababa sa 25 tauhan ng Manila Police District (MPD) sa hotel na tinutuluyan ng matatanda sa Sta. Cruz, Maynila nitong Nobyembre.

"Kinausap ko iyung kagawad na nagpunta. Sinabi niya sa akin iyung dami ng pera at pina-estimate ko iyun. Sinabi na mahigit P2 milyon kasi malalaking bundle iyun e," sabi ni "Attorney" na humiling na itago ang kanyang pangalan dahil sa pangamba para sa kanyang buhay.

"Kasi iyung mga taong ganyan po, minsan hindi na [inilalagay] sa bangko kasi maraming requirements. Pinaiikot na lang nila iyung pera nila. Iniipon nila."

Naaresto ang mga kliyente ni Attorney matapos umanong makuhanan ng ilang pakete ng droga, sari-saring drug parahernalia at 12 bala ang kanilang hotel unit.

Kabilang sa mga naaresto ang 61-anyos na si Api Ang, may-ari ng coffee shop sa hotel at 64-anyos na kasamahang si Henry Go. Dinakip din ang misis at hipag ni Ang, na kapwa senior citizen din.

Batay sa joint affidavit ng arresting officers, nakita umano nila si Ang at Go sa tapat ng coffee shop at dinala nila ang mga ito sa Unit 201 ng hotel upang isilbi ang search warrant para sa kuwarto.

INILIPAT NG KWARTO, NAHULIHAN NG DROGA?

Taliwas ang ulat ng mga pulis sa kuha ng CCTV cameras ng hotel.

Makikita sa CCTV footage na alas-3:10 ng hapon inescortan ng ilang pulis ang uugod-ugod na si Ang at Go papasok sa Unit 201.

Pero bago pa nito, una nang nakapasok ang ilang operatiba sa kuwarto, alas-3:02 ng hapon.

Sa isa pang CCTV clip, makikitang sinira ng iba pang mga pulis ang pintuan ng kalapit na Unit 208, alas-3:05 ng hapon.

Makalipas ang 3 oras, binitbit ng mga pulis si Ang sa naturang Unit 208, na batay sa affidavit ng mga pulis ay kung saan nila natagpuan ang mga shabu at drug paraphernalia na pag-aari umano ng matatanda.

Walang testigo, piskal o opisyal ng barangay na kasama ang MPD nang ikasa ang raid.

Ibinulgar din ng hotel administrator na matagal nang bakante ang unit na pinagdalhan ng mga pulis kay Ang. Hindi rin daw iyun kailanman nirentahan ng matanda o ng kanyang pamilya.

PUMANAW NANG 'DI NAKIKITA NG KABIYAK

Sa panayam ng DZMM, sinabi ng abogado na hindi totoo ang nasa affidavit ng pulis.

Puna ng abogado, hindi naka-uniporme ang ilang pulis na nagkasa sa operasyon at lahat sa kanila ay may mga dalang malalaking bag.

"Makikita ninyo sa CCTV noong umakyat iyung mahigit na 20 na mga pulis, naka-sapatos, naka-tsinelas, naka-shorts, walang ID. May dalang bag po. Ang lalaki ng bag nila. Bakit may dalang bag lahat ng operatiba po? Ewan kung anong ipinaglalagay nila sa loob," ani Attorney.

Dagdag niya, malabong maging sangkot sa droga si Ang dahil hindi man lang ito nakakalakad o nakakahawak ng anumang bagay kung walang alalay, buhat nang ma-comatose noong 2000s.

"Hindi po makalakad, hindi po makahawak, kailangan pong may alalay. Ni hindi po makatayo ng 1 second, palagi pong may alalay sa lahat ng pupuntahan niya," sabi ng abogado.

Pumanaw si Ang dahil sa acute coronary syndrome nitong Abril. Hinala ni Attorney, hindi kinaya ng matanda ang init sa loob ng kulungan.

Na-cremate aniya si Ang nang hindi nakikita ng asawa na nakakulong pa rin hanggang ngayon sa MPD headquarters, kasama si Go at kanyang katiwala.

Ayon sa abogado, naibasura na sa piskalya ang mga kaso laban sa mga matatanda pero hindi pa sila nakakalaya dahil nakasalang pa sa automatic review ng Department of Justice.

PRESUMPTION OF REGULARITY

Maghahain ng petisyon si Attorney para makalaya na ang kanyang mga kliyente dahil hindi pa rin tapos ang automatic review kahit lagpas na sa oras na itinakda ng batas.

Umapela rin ang abogado na magtakda ng mga regulasyon ang pamahalaan upang hindi maabuso ng ilang iskalawag na pulis ang "presumption of regularity" o prinsipyong ipinagpapalagay na regular at lehitimo ang lahat ng police operation hanggang mapatunayan ang kabaligtaran.

"Kapag may mga ganyang akto ang mga pulis, pinaniniwalaan ng korte ang mga sinasabi ng pulis dahil dito po sa sinasabing presumption of regularity. Siguro po, itutuok po iyung pinaka-source ng abuse ng mga pulis," ani Attorney.

"Kailangan pong magkaroon na rin ng guidelines. Sobrang-sobra na po ang paghihirap ng mga biktimang walang kasalanan."

Nito lang Lunes, isa pang kaso ng hinihinalang tanim-droga ang ibinunyag ng ABS-CBN News matapos lumutang ang isang umano'y nabiktimang city engineer mula sa Pampanga.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang 2 kaso ng mga sinasabing pang-aabuso.

Umapela naman ang isang anti-crime group na suspendihin muna ng pulisya ang kanilang anti-drug operations hangga't hindi nalilinis ang kanilang hanay.

"Kung pwede itigil nila ulit iyung war on drugs, magkaroon ulit ng total cleansing until talagang malinis nila ito para hindi ito maging cause ng national embarrassment saka para sa peace of mind natin," mungkahi ni Boy Evangelista, tagapagsalita ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.