Higit 70 pulis-Maynila, iniimbestigahan sa 'tanim-droga', extortion

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 12:08 PM

MANILA - Kinumpirma ng Manila Police District (MPD) Huwebes na mahigit 70 kawani nito ang iniimbestigahan dahil sa magkakahiwalay na kaso ng pagtatanim ng ebidensya at pangingikil ng pera.

"Mayroon pong mga insidente na ipinagpa-alam sa amin sa mga kasong ganyan na sinasabi pong mayroong planting of evidence o kaya extortion. Almost 78 MPD personnel ang iniimbestigahan po ngayon sa mga ganyang kaso," ani MPD chief Senior Supt. Joel Coronel sa panayam ng DZMM.

Nitong Miyerkoles, iniulat ng ABS-CBN News ang pagtatanim umano ng ebidensyang iligal na droga ng 25 operatiba ng MPD sa hotel room ng 4 na senior citizen.

Pumanaw na ang isa sa mga matanda matapos hindi umano makayanan ang init sa kulungan, ayon sa abogado nito.

Naibasura naman ang kaso laban sa 3 kasamahan ng matanda, pero patuloy ang automatic review ng Department of Justice sa hatol, kaya hindi pa rin sila nakakalaya mula sa MPD headquarters.

Tiniyak ni Coronel na binabantayan ng mga awtoridad ang kalagayan ng 3 senior citizen at iba pang detainees.

"In fact po, may agreement po kami ngayon with the Manila Health Office na lahat po ng mga nakakulong ngayon, kanila pong ini-inspect, tsine-check up po nila ang medical para malaman po ang kalagayan," sabi ng opisyal.

Kasabay ng imbestigasyon sa mga hinihinalang insidente ng "tanim-droga," umapela naman ang isang anti-crime group na suspendihin muna ng pulisya ang kanilang anti-drug operations hangga't hindi nalilinis ang kanilang hanay.

"Kung pwede itigil nila ulit iyung war on drugs, magkaroon ulit ng total cleansing until talagang malinis nila ito para hindi ito maging cause ng national embarrassment saka para sa peace of mind natin," mungkahi ni Boy Evangelista, tagapagsalita ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.