Duterte, inilahad ang 'Dutertenomics' sa Cambodia

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 12:05 AM | Updated as of May 12 2017 03:57 PM

Inilahad ni Pangulong Duterte sa iba’t ibang leader at negosyante sa World Economic Forum sa Cambodia ang kaniyang tinatawag na ''Dutertenomics''. 

Sa ilalim nito, inaasahang lalong bibilis ang paglago ng ekonomiya, bababa ang bilang ng mahihirap, at mahigit P8 trilyon ang ilalagak para sa mga proyekto tulad ng mga airport at subway.

Kahit naman ekonomiya ng bansa ang tinalakay, hindi pa rin naiwasang matanong si Duterte sa forum tungkol sa kaniyang madugong kampanya kontra ilegal na droga.

Tanong ng isang mamamahayag mula Germany, hindi raw kaya lumayo ang mga foreign investor sa Pilipinas dahil sa libo-libong namamatay bunsod ng kampanya ng gobyerno?

Tugon naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade, dahil malaking bagay ang seguridad para sa mga negosyante, sinisiguro ng kampanya kontra droga na ligtas ang Pilipinas.

Sinegundahan naman ni Trade Secretary Ramon Lopez ito at sinabing mas maraming Pilipino na ang naniniwalang mas ligtas ang bansa ngayon.

Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan na masawata ang ilegal na droga para na rin daw sa hinaharap ng lipunan. Hinimok niya pati ang iba pang pinuno ng mga bansang miyembro ng ASEAN na maghigpit kontra droga para na rin daw sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.