Mga nakaharang sa Roxas Blvd., hinatak na

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 06:30 PM | Updated as of May 09 2017 11:24 PM

Hinatak ng Metropolitan Manila Development Authority ang halos isang dosenang sasakyang nakaparada sa bangketa at service road sa kahabaan ng Roxas Boulevard kaninang Martes ng umaga. Bahagi ito ng kampanya ng MMDA na alisin ang mga nakaharang o obstruction sa daan, tanggalin ang mga ilegal na nakaparada, at maging ang mga ilegal na vendors. 

May ilang motorista na nakiusap pa sa MMDA na huwag nang hatakin ang kanilang sasakyan, pero paliwanag ng MMDA, binigyan nila ng sapat na panahon ang lahat ng stakeholders sa lugar kaya't wala nang dahilan para hindi sila hulihin ngayong ikalawang araw ng pagpapatupad ng ‘No parking’ at ‘Tow-away Zone’ sa lugar.

Reklamo naman ng iba, inakala nilang tiket muna ang ibibigay sa kanila bago hilahin. 

Sagot naman ni Dir. Noemie Recio ng Traffic Engineering ng MMDA, "Actually, ilang araw na itong inaabisuhan. Kailangan na nating gawin ngayon kasi ang kipot ng kalsada kaya napilitan na tayo na hilahin na." 

Kasama ng MMDA ang ilang sundalo sa isinagawang clearing operations, sakaling may mga pumalag kung kanilang susuwayin.

Ayon kay Bong Nebrija ng Traffic Management Unit ng MMDA, hindi nila titigilan ang pagpapaalis sa mga nakahambalang sa service roads hanggang sa lumuwag na ang daloy ng trapiko mula sa EDSA patungong Kalaw.

Maaari namang tubusin ang mga nahatak na sasakyan sa impounding area ng MMDA sa Pasig at Marikina.

Matapos ang clearing operations, sinimulan na rin ng MMDA at Department of Public Works and Highways ang pagpapalawak ng kalsada sa Vito Cruz para maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa lugar. Kaagad binakbak at tinapyas ang mga sidewalk para mapaluwag ang service road at madaanan na ng mga sasakyan. 

Sa mga nagrereklamong may bayad ang parking fee doon, sabi ng MMDA ay puwede pa rin namang maningil ang Manila Parking Bureau basta siguruhin lang na hindi sasagasa ang parking sa bangketa o service road.

Ang susunod na phase ng MMDA operations ay bubutasin na ang mga concrete barrier at island sa mga main intersection para wala nang harang sa mga service roads. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News