'Impormasyong tutulong, balitang may pakinabang'

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 06:35 PM

Inilunsad kamakailan ng ABS-CBN News ang Patrol.PH, isang Filipino language website para sa lumalaking bilang ng mga mamamayang nag-o-online.

Handog ng Patrol.PH ang mga impormasyong kinakailangan para sa pang-araw-araw na pamumuhay. 

Sinadyang maging biswal ang website, maraming mga retrato, at nakasulat ang mga istorya sa paraang madaling basahin at intindihin.

"Ito ang pinakabago nating paraan ng pagpapalawig sa relasyon natin sa dumadaming mga Pilipinong nag-i-internet. Hindi lang mga bagay na kailangan nilang malaman, kundi mga impormasyon na makakatulong sa pamumuhay ang laman ng Patrol.PH," sabi ni Ging Reyes, pinuno ng ABS-CBN News. 

Magkahalong balita, human interest features, tips, at impormasyon para sa serbisyo publiko ang laman ng Patrol.PH.

''Laging ginagawa ng ABS-CBN News ang pagsubok sa mga bagong bagay para makapag-serbisyo publiko,'' ani Reyes. 

Dagdag pa ni Reyes, ginawa ang Patrol.PH para makapagbasa ng balitang kanilang kailangan ang mga Pilipino at ang kanilang mga pamilya nasaan man sila at anumang mobile device ang kanilang hawak.

Manggagaling ang mga balita at impormasyon ng Patrol.PH sa araw-araw na pagsisikap ng pinagsamang puwersa ng ABS-CBN News, Radio, at Current Affairs na nasa iba't ibang larangan gaya ng broadcast, digital, social, at mobile. 

Para sa iba pang balita at impormasyon, maaaring bumisita sa news.abs-cbn.com, tumutok sa ABS-CBN sa free TV, DZMM TeleRadyo o sa ABS-CBN TVPlus at cable, DZMM 630 sa AM radio, sa ANC, ANC HD, at ABS-CBN HD sa cable. Panoorin ang ABS-CBN online via live streaming sa www.iwantv.com.ph at sa skyondemand.com.ph.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.