Hinihinalang tulak, nahulihan ng shabu, 73 bala

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 10:39 AM

MAYNILA - Kulungan ang bagsak ng isang lalaking nahulihan ng hinihinalang shabu at mga bala ng baril sa ikinasang buy-bust operation sa Malate, Maynila Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Don Javellana, 41, residente ng Villa San Antonio, at hinihinalang tulak ng droga.

Narekober mula sa suspek ang 15 maliliit na sachet ng umano'y shabu, gayundin ang 73 bala ng M16, kalibre .38, .45 at .357.

Ayon sa pulisya, ayaw magpaaresto ni Javellana sa una kaya nagkaroon pa nang kaunting komosyon. Pero sa huli, sumama rin ito.

Mariing itinanggi ng suspek na siya ay tulak ng ilegal na droga pero aminado itong kanya ang mga bala na aniya'y gamit niya sa dating baril.

Nakatanggap na umano ang pulisya ng mga ulat na nagpapaputok ng baril ang suspek sa kanilang lugar.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Comprehensive Drugs Act at illegal possession of live ammunition.--Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News