Babae, patay matapos paluin ng takip ng inidoro

Angelo Caballero, ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 04:48 PM

DAVAO CITY - Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa loob ng isang kuwarto sa isang inn sa San Pedro Street sa Davao City Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Rubinaire Rabara, na halos wala nang saplot ng matagpuan.

Sa nakitang passport sa kuwarto, natukoy na taga Urdaneta, Pangasinan ang biktima.

Ayon sa roomboy na si alyas Frank, ilang beses niyang kinatok ang pinto pero nang walang nagbukas, pilit na niyang pinasok ang kuwarto at doon na tumambad ang bangkay ng biktima. 

Ayon sa imbestigasyon ng San Pedro Police, pinalo ng takip ng inidoro ang biktima hanggang mamatay.

"Initial investigation is that iyong babae ay pinalo sa ulo hanggang sa mamatay at meron naman tayong suspek na nakita sa CCTV," ani C/Insp. Ramil Macarampat.

Nag-iwan pa ng mensahe ang mga salarin sa salamin ng inn, kung saan sinabi nila na "iyan ang dapat sa mga hindi sumusunod sa napag-usapan."

"Ano iyong usapan noong suspek saka noong victim, iyon ang tinitingnan natin na anggulo ngayon kasi based doon, makikita natin na merong galit," ani Macarampat.

Sa kuha ng CCTV ng inn, nakita ang dalawang lalaking nakasuot ng kulay blue na t-shirt na nag-check in sa inn bandang 7:00 Lunes ng gabi.

Narecover na rin ang kanilang resibo, kung saan nakalagay na sa kuwarto kung saan nakita ang biktima sila nag-check in.

Kumpirmado ring sumunod na nag-check in si Rabara sa parehong kuwarto.

Sa ngayon ay wala pang kumukuha sa bangkay ng biktima sa punerarya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.