Ano ang 'cashless transaction' ng LTFRB?

ABS-CBN News

Posted at May 08 2017 06:22 PM

Umaasa ang Land Transportation, Franchising, and Regulatory Board (LTFRB) na mawawakasan ang operasyon ng mga fixer sa kanilang opisina matapos pasinayaan ang pasilidad para sa 'cashless transaction'.

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra sa signing ng Memorandum of Agreement ng LTFRB at Land Bank of the Philippines na sa pamamagitan ng inilunsad na Landbank Inclusive Banking Center, mas magiging sigurado at ligtas ang bawat transaksyon.

Sa bagong sistema, may Point of Sale (POS) na konektado sa cashier system ng LTFRB para makapagbayad sa pamamagitan ng ATM o debit cards mula sa Land Bank. 

Kung walang card, kailangang mag-apply ng Landbank ATM card at may cash deposit machine din para mapondohan ang card na gagamitin sa mga transaksiyon sa pagbabayad ng service fees, multa, at mga franchise.

''In short, 'yung mga magbabayad ng dapat bayaran hindi na kailangan pumunta rito sa opisina. Puwedeng magbayad kung saan at pumunta sa cashier dala yung resibo. Mami-minimize ang fixers at hindi madadagdagan ang gastos ng magbabayad,'' ani Alex Buenaventura, pangulo ng Land Bank of the Philippines.

Dagdag ni Buenaventura, target maserbisyuhan ng nasabing sistema ang lahat ng ahensya ng gobyerno.

Tatlong buwang oobserbahan ang bagong sistema ng 'cashless transaction' bago ipakalat ang mga makina sa mga iba pang opisina, mall at sa mga probinsya.

Nagpasalamat naman si Atty. Aileen Lizada ng LTFRB sa tulong ng bangko matapos makapagbukas rin ng mga ATM ang ilang public utility jeepney drivers sa pamamagitan ng programa. 

-- May mga ulat mula kay Angel Movido at Jorge Carino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.