Mga sugatan sa pagsabog sa Quiapo, kinilala

Mike Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 07 2017 04:32 AM

Kinilala na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilan sa mga nasaktan sa magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila. 

Sa unang pagsabog, kabilang sa mga nasugatan ay sina: 

  • Jaber Gulam na tubong Lanao Del Sur, siya ay isinugod sa Mary Chiles General Hospital; 
  • Datu Sohair Adapun, tubong Marawi City na isinugod sa Mary Chiles General Hospital din; 
  • Hajhi Ali na taga dito sa Gunao, Quiapo na isinugod sa UST Hospital. 

Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang sugatan.

Sa ikalawang pagsabog kung saan nagiinspeksyon ang mga otoridad nang mangyari ang insidente ay nasugatan sina Police Chief Inspector Elisa Arturo, chief chemist Manila Police District (MPD) Crime Lab na isinugod sa Manila Medical Center; at si PO2 Aldrin Resos, EOD unit ng MPD na nilapatan ng first aid.

Ang isa sa mga nasawi ay nakilala na rin. Siya ay si Mohamad Bainga. 

Samantala, isang kahinahinalang bag na nakakabit sa upuan ng isang motorsiklo ang kasalukuyang iniinspeksyon ng mga otoridad sa kalapit na Globo de Oro street.

Ginamitan na ito ng bomb disruptor, pero hanggang sa ngayon ay hindi pa kumpirmado ang laman ng naturang bag.

Nagpaalala naman ang NCRPO sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng katatapos na pagsabog

Sa statement na inilabas ni NCRPO Director Oscar Albayalde, tiniyak nito na kontrolado ng Philippine National Police ang sitwasyon.

Hiniling rin ni Albayalde sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, lalo na sa social media, upang maiwasan ang panic.

Hinimok ni Albayalde ang publiko na maging mapag-matyag at i-report kaagad sa pulisya kung may napapansin silang kahina-hinala sa paligid.

Nagpahayag rin ng pakikiramay ang NCRPO sa pamilya ng mga nasawi, at dasal para sa agarang paggaling ng mga nasugatan.