'Viral' manyak na taxi driver, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 10:48 AM

Sa bidyong viral sa social media, makikita ang umano'y kalaswaang ginagawa ng driver habang nagmamaneho. Screengrab mula sa Facebook post ng pasahero

MAYNILA - Kalaboso ang isang drayber ng taxi na nahuli sa bidyo na may ginagawa umanong kalaswaan habang nagmamaneho.

Kinilala ang suspek na si Bonifacio Asuncion, ang drayber na laman ng bidyong viral ngayon sa social media.

Sa bidyong kuha mismo ng babaeng pasahero, makikita na inilagay ng tsuper ang kamay sa harapang bahagi ng kanyang katawan.

Pagkatapos ay makikita na ang walang tigil at mabilis na paggalaw ng kanyang kamay habang lumilingon sa babaeng sakay.

Sa Facebook post, sinabi ng babaeng pasaherong nagmamadali na siyang pumasok kayâ siya nag-taxi sa may BB Marulas, Valenzuela.

"Kinabahan nako pero nilakasan ko loob ko na makuhaan sya ng video," kuwento ng babaeng pasahero.

"Binabayaran ko siya ng tama sa metro, P130 bill ko pero kahit P110 na lang daw," dagdag pa niya.

Martes ito nangyari, aniya, at kinabukasan ay nagreklamo agad sa mga pulis ang pasahero kaya agad ring naaresto si Asuncion.

Giit naman ng drayber, hindi siya gumagawa ng kalaswaan nang mga panahong iyon, at tiyan niya ang kanyang hinahawakan noon.

"Sumakit lang ang tiyan ko kayâ ginaganyan ko. Mahirap po yun, nagda-drive ako, baka mabangga ako," aniya.

Dagdag pa ni Asuncion, hindi niya sinasadyang mapatingin sa mga hita ng pasahero.

"Napapatingin lang, ma'am. Pero di ako nagma-masturbate. Napapatingin lang. Wala naman akong balak na na silipan siya... Nakita ko lang sa side mirror," giit ng tsuper.

Humingi ng tawad ang drayber na sinabing sa pagmamaneho lang niya binubuhay ang kanyang pamilya.

Pero hindi nagpatinag ang pasahero at nanindigang itutuloy ang kasong unjust vexation laban sa drayber. -- Ulat mula kay Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.