'Kulog' nanlaban, patay sa buy-bust sa Malolos

ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 11:00 AM

Sa bahaging ito ng Barangay Bulihan napatay ng mga pulis ang nanlaban na drug suspect. Bianca Dava, ABS-CBN News

Patay ang isa umanong tulak ng ilegal na droga na nagbalak pang maghagis ng granada sa mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Bulihan, Malolos, Bulacan Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Edward Amor, kilala rin sa alyas na "Kulog,"na nasa drugs watchlist ng Barangay Sumapang Matanda.

Kuwento ng mga awtoridad, huhulihin na nila ang suspek matapos ang buy-bust pero naglabas ito ng granada at akmang hahagis, dahilan para sila ay gumanti ng putok.

Narekober sa napatay na suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at isang granada.

Matagal na umanong minamanmanan ng mga pulis ang suspek na tuloy-tuloy ang mga transaksiyon mula pa nitong Araw ng Paggawa.

Taga-Malolos lang umano ang karamihan sa mga parokyano ng napatay at madalas na nag-o-operate ito sa gabi.

Dati na rin umanong nasabihan sa Oplan Tokhang si Kulog na tumigil na sa ilegal na gawain pero hindi ito sumunod.-- Ulat mula kay Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.