Gina Lopez, handang maging 'alalay' ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 06:37 PM

Magaang ang usapan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at outgoing DENR Secretary Gina Lopez sa Malacañang noong Disyembre 5, 2016. King Rodriguez, Malacanang Photo

Nagpahayag si outgoing Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na payag siyang maging 'alalay' ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng pagprotekta ng likas na yaman ng bansa.

"Iyan ang gusto ko! Even as USec, alalay. You can't protect our natural resources if you don't have some kind of tapang eh and integridad na hindi ka puwedeng mabili,'' ani Lopez.

Sa interview ni Lopez sa DZMM at ANC, sinabi niyang naniniwala siyang tanging si Duterte lang ang may kakayahang labanan ang mga may business interest sa Kagawaran ng Kalikasan.

''My choice for DENR secretary is President Duterte… I can't think of any other person. It needs guts. It needs tapang (bravery) because you have to step on business interest,'' ani Lopez.

Sa loob ng 10 buwan ng dating DENR secretary, 28 minahan na ang napasara, 75 kontrata ang nakansela at pinagbawal ang mga bagong hukay na minahan.

Ayon kay Lopez, may kinalaman ang pagsibak sa kanya sa puwesto sa ''business interest'' ng mga mambabatas na sinuportahan umano ng mga mining firms sa nakalipas na eleksiyon.

''It's business, it's clearly business. Even sa questioning sa hearing,'' aniya.

Dismayado si Lopez na mas nanaig umano ang interes sa negosyo, at nanghinayang ito sa mga nasimulang plano para sa kalikasan.

Wala umanong planong tumakbo si Lopez sa kahit na anong posisyon pero kinilala niya ang suporta sa kanya ng publiko lalo na sa social media.

''I love the Filipino. What this whole foray has brought me into? Feeling. I feel energy. Feeling the pulse of the Filipino, the heart. It’s unbelievable,'' pahayag ni Lopez.

Si Lopez ang pangalawang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte na tinanggihan ng Commission on Appointment kasunod ni Perfecto Yasay ng Department of Foreign Affairs. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.