78 na sasakyan sa QC, bagsak sa emission testing

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 04:14 PM

QUEZON CITY – Pitumpu’t walo sa 88 na sasakyan ang hindi pumasa sa emission testing ng iba’t ibang ahensya at ng lokal na pamahalaan sa Commonwealth Avenue nitong Huwebes, hudyat umano sa pangangailangang ipatupad ang air quality control action plan sa lungsod.

SMOKE BELCHING
No of vehicles inspected - 88
No of vehicles that passed - 10
No of vehicles that failed - 78

Ayon sa mga mga ahensya kasama na ang Land Transportation Office, Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police, at pamahalaan ng Lungsod Quezon, maraming sasakyan ang nakikita sa mga kalsada na bumubuga ng maitim na usok, na tinatawag na smoke belching.


Dahil dito ay gumawa sila ng emission testing, alinsunod sa Republic Act 8749 o Philippine Clean Air Act. Ginamitan nila ng opacimeter ang usok ng mga pinarang sasakyan, para masukat ang linaw nito.

Mula P2,000 hanggang P6,000 at isang taong pagkakasuspende ng motor vehicle registration ang parusa sa mahuhuli.

MULTA SA SMOKE BELCHING
First offense: A fine not to exceed P2,000
Second offense: A fine not less than P2,000 and not to exceed P4,000
Third offense: One-year suspension of the motor vehicle registration, and a fine not less than P4,000 and not more than P6,000

Ayon sa LTO, 2.5 ang passing rate. Kapag lumampas o tumaas kahit kaunti lamang ang numero, delikado na ito sa kalikasan, maging sa kalusugan.

Ang mga sasakyang nahuli sa Commonwealth Avenue, na kasama na ang ilang jeep, bus, at pribadong sasakyan, hindi lamang doble kundi triple o lampas pa ang taas ng grado, ayon sa mga otoridad. 

Sa ngayon, adbokasiya muna umano ang ginagawa ng grupo, at hangga’t maaari ay hindi muna sila manghuhuli ng mga smoke belcher.

Plano ng grupo na isagawa rin ang emission testing sa mga karatig na rehiyon ng Calabarzon at Central Luzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.