Shabu sa kahon ng posporo nabisto; 2 suspek tiklo

ABS-CBN News

Posted at May 01 2017 12:18 PM | Updated as of May 01 2017 07:22 PM

MAYNILA - Arestado ang 2 lalaki matapos silang mahulihan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu sa isang checkpoint sa Taguig Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Zebedee Mard Antipuesto at Christian Bonalos, pawang mga residente ng Upperwest Village sa naturang siyudad.

Ayon sa pulisya, sakay ang mga suspek ng motorsiklo nang sila ay parahin ng mga pulis sa isang checkpoint na inilatag sa Barangay Pinagsama pasado alas-8:00 ng gabi.

Nang inspeksiyunin ng mga awtoridad ang kanilang mga gamit, tumambad ang ilegal na droga sa kahon ng posporo.

Nakuha rin sa mga suspek ang ilang drug paraphernalia tulad ng 'tooter' na isiniksik pa sa loob ng isang marker. 

Hindi na nakatanggi pa ang mga suspect kaya agad silang dinala ng mga pulis sa presinto upang ipagharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News