7 pawikan, narekober sa Balabac Island

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 01 2017 06:49 PM

PALAWAN - Pitong iba't ibang uri ng pawikan ang narekober ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) Maritime Special Operations Unit at Philippine Marines sa Barangay North Mangsee sa Balabac noong Abril 6, 2017.

Ayon sa mga awtoridad, isang intelligence report ang nakarating sa kanila na may mga pawikan na dinala sa Salingsingan Island sa Barangay North Mangsee.

Hindi na inabutan ng mga awtoridad ang mga humuli sa mga pawikan ngunit tumambad sa kanila ang pitong nakataling pawikan. Agad na pinakawalan ang mga ito pabalik sa dagat.

Ayon sa mga report, kinakatay umano sa Salingsingan Island ang mga pawikan dahil sa ilang mga carapace na nakita sa lugar.

Samantala, nitong nakaraang linggo ay narekober naman ang 3 sako ng carapace ng pawikan sa Sitio Agutayan sa Barangay Mangsee. Hindi rin naaresto ang mga may gawa nito.

Hindi kaila sa mga awtoridad ang talamak na panghuhuli sa mga pawikan at iba pang hayop sa isla, kaya patuloy ang kanilang pagbabantay upang mahuli ang mga gumagawa nito.

Nakikiusap rin ang mga awtoridad sa mga residente na makipagtulungan ang mga ito upang masugpo ang mga gumagawa ng iligal sa bayan.

Ang panghuhuli ng mga buhay-ilang ay ipinagbabawal sa batas sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.