Huling araw ng pagpaparehistro ng mga botante, naging tahimik

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2017 04:29 PM

MANILA – Sa huling araw ng pagrehistro para sa halalan ng mga opisyal sa barangay at Sangguniang Kabataan, nanatiling payapa ang mga opisina ng Commission on Elections (Comelec).

Maluwag ang ilang mga opisina ng Comelec, na binisita ng ABS-CBN News. Ayon sa isang ilang nagparehistro, hindi nila alam na huling araw na pala ngayong Sabado.

“Ngayon lang nila nalaman na last day na. Hindi sayang ang effort, kasi importante ang ID, [at] importante, nakarehistro ka sa Pilipinas. Kaya gustong bumoto, malaking bagay kapag nag-apply [sa trabaho],” ani Amalia Rodriguez, na sinamahan ang apo na magparehistro sa Comelec.

Ang sitwasyon ngayon ay hindi tulad noong 2013 na halos magpalitan ng mukha ang mga nagparehistro dahil sa kapal ng pila, at nagka-stampede pa sa Aroceros, Maynila, na ikinasugat ng ilan.

Ayon sa kambal na sina Camille at Charlotte Turibio, maaaring nakabakasyon ang ilan kaya hindi pa sila nakapagparehistro.

Anila, nagparehistro sila dahil karapatan nila ito, at kung hindi sila boboto ay tila wala silang karapatan magreklamo sa pamamalakad ng gobyerno.

Giit ng Comelec, magkaiba man ang ganap ng huling araw ng registration noon at ngayon, hindi ibig sabihing nilangaw ito.

Sa katunayan, halos nakamit nila ang target nilang 2.5 milyong bagong registrants mula 2016 hanggang noong April 15, 2017 ay umabot na ito sa 2.2 million.

“Medyo ine-expect na natin na hindi ganoon karami ang taong dadating, kasi medyo nagalugad na natin ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas,dahil medyo naging agresibo yung program ng nakaraan. So nakatulong ito ng malaki,” ani James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec.

Dagdag niya, maaaring nag-alangan din ang iba na magparehistro dahil hindi sila sigurado kung magkakaroon nga ng eleksyon o hindi. Ngunit sabi ng Comelec, kahit anung mangyari ay magpapatuloy ang kanilang paghahanda.

Ayon sa Comelec, ang kanilang estimated cost ng eleksyon ay aabot sa P5 bilyon hanggang P7 bilyon. 

Hanggang alas-5 ng hapon sa Sabado ay tatanggap at magpapalista ng mga registrants ang mga local election offices, pero tuluy-tuloy umano ang pagpaparehistro ng lahat ng mga nasa listahan, kahit umabot pa ito ng hatinggabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.