31 arestado sa 'one time big time' operation sa Pasay

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2017 10:55 AM

Tatlumpu't isa ang arestado sa ikinasang "one time, big time" operation ng Pasay City Community Precint No. 56 sa Baclaran, Pasay City Biyernes ng gabi.

Labingdalawang barangay ang inikot ng mga pulis, kung saang 17 tao ang nahulihan ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Tatlo naman ang nahuling nagsusugal, 9 ang lumabag sa city ordinances gaya ng pag-iinuman sa kalye at hindi pagsusuot ng t-shirt sa kalye.

Samantala, 2 warrant of arrest ang naihain ng mga pulis. Ang isang warrant ay para sa carjacking at ang isa naman ay para sa kaso ng arson.

Isa sa mga nahuli ay isang babaeng 6 na buwang buntis at kilala umanong gumagamit ng droga.

Nakipagtulungan din ang ilang barangay officials para madakip ang mga violators.

Agad namang ginawan ng dokumento ang mga nahuli at nakatakdang ma-inquest ngayong araw.

Ang "one time, big time" operation ng pulisya ay regular na isinasagawa bilang parte ng anti-criminality campaign.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.