Utang ng mga guro sa private lenders, 'sasaluhin' ng GSIS sa mababang interes

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 09:24 PM | Updated as of Apr 26 2018 10:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naglunsad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng
refinancing program na sasalo sa mga utang ng public school teachers sa private lenders. 

Napag-alaman kasi ng ahensiya na libu-libong pampublikong guro ang baon sa utang sa pribadong lending institutions kaya itatayo nila ang GSIS Financial Assistance Loan (GFAL). Maaari nitong saluhin ang utang na hindi lalagpas sa P500,000.

Paliwanag ni GSIS general manager Atty. Clint Aranas, nasa 11 porsiyento lang ang interes sa kanila kumpara sa 15-20 porsiyento sa mga lender.

Dahil ire-refinance ng GSIS ang lahat ng utang ng mga guro, una rin silang kakaltas sa suweldo na maaaring bayaran sa loob ng anim na taon.

Halimbawa, sa may utang na P500,000 na sasali sa programa, ang P16,053 na buwanang binabayaran ngayon sa private lender ay magiging P9,444 sa GSIS kung ilalatag sa loob ng anim na taon.

Kasabay nito, dapat ding dumaan sa financial literacy seminars ang mga gurong sasali sa programa. Ibig sabihin, tuturuan sila ng GSIS kung papaano humawak o mag-manage ng pera.

Ang teacher na si Analyn Alvarez na malaki ang utang, gustong sumali sa programa.

Ayon sa kaniya, mas liliit ang kaniyang monthly amortization at lalaki pa ang kaniyang maiuuwing sahod.

Pero kontra sa refinancing ng GSIS ang ilang mga guro ng Maynila na pawang may mga utang din sa private lenders.

Paliwanag ni Rizza Bantilan, maliit lang ang kanilang sahod kaya ang mas mainam na solusyon ay taasan ang kanilang suweldo.

Si Nestor Reyes naman, may utang sa GSIS, private lender, at nakasangla pa ang ATM sa isa pang inutangan, pero hindi raw ang GFAL program ang sagot sa problema.

Tulad ni Bantilan, naniniwala si Reyes na mas makatutulong kung tataasan ang kanilang mga sahod.

Sa kabila ng mga kumokontra sa programa, sinabi ng GSIS na ang public school teachers na ang bahalang tumimbang kung ano ang mas makabubuti sa kanila dahil hindi naman daw sapilitan ang programa.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.