Naaksidenteng bus sa Ecija, 33-taong-gulang na: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2017 05:16 PM

A bus fell into a ravine in Nueva Ecija on Tuesday, killing 31 people and injuring 46 others. Jeff Canoy, ABS-CBN News

MANILA - Nasa 33 taon na ang edad ng isang bus na nahulog sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija noong nakaraang linggo, kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Miyerkules. 

Ayon sa LTFRB, lumabas sa pagsusuri ng Isuzu Philippines na noon pang 1984 ginawa ang Leomarick bus. 

Malayo anila ito sa nakasaad na 2006 year model sa mga papeles ng sasakyan. 

Ipinagbabawal ng LTFRB ang pagpasada ng mga bus na higit 15 taon na ang tanda. 

Ipinangako ng ahensya na palalakasin nito ang department order ukol sa phaseout ng mga matatandang sasakyan. 

Idiniin din ng LTFRB na ibabatay ang edad ng bus sa date of manufacture nito, at hindi sa petsa kung kailan ito ipinasok sa bansa. 

Samantala, nilinaw ng ahensya na taliwas sa mga unang naiulat, 33 at hindi 34 ang bilang ng mga nasawi nang mawalan ng preno at maaksidente ang Leomarick bus nitong Martes. 

Sinabi ni LTFRB board member Aileen Lizada na nagkaroon lamang ng double entry sa pangalan ng isa sa mga nasawing biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.