Magkasintahan, natagpuang patay sa Butuan City

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2017 12:28 AM | Updated as of Apr 26 2017 05:57 PM

BUTUAN CITY - Natagpuang duguan at wala nang buhay ang isang magkasintahan sa isang bahay sa Princess Homes 4 Subdivision, Barangay Villa Kananga sa Butuan City nitong Martes.

Kinilala ang mga biktima na sina Lalaine delos Reyes at Jerry Kho. Parehong may tama ng bala ang dalawa na natagpuang nakahiga sa loob ng isang kwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Ayon sa 17-taong gulang na kapatid ni Delos Reyes na si "Daisy," nag-away umano ang dalawa Lunes ng umaga matapos sunduin sa trabaho ni Kho si Delos Reyes na nagtatrabaho sa isang department store.

Dagdag pa ni Daisy, nakarinig sila ng putok ng baril mula sa loob ng kwarto Lunes ng hapon pero hindi na umano siya naglakas loob na usisain ang nangyari.

Nang tingnan ni Daisy nitong Martes ang kwarto, saka niya napag-alamang parehong wala nang buhay sina Delos Reyes at Kho.

Ayon kay Jane Abanero, katrabaho ni Delos Reyes, naikwento umano ng katrabaho sa kanya na sobrang seloso ni Kho.

May tatlong anak ang dalawa na may mga edad 7, 5, at 4 na taong gulang. Sa Iligan nakatira ang mga ito kasama ang pamilya ni Delos Reyes.

Tanging si Daisy ang kasama ng magkasintahan sa bahay.

Isang rebolber ang nakita malapit sa katawan ni Kho. Dahil dito, isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya ay kung si Kho ba ang bumaril sa kinakasama bago nito binaril ang sarili.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.