Mga beterano ng Palawan noong World War II, pinarangalan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2017 01:50 PM | Updated as of Apr 24 2017 01:51 PM

Kuha ni Lynette dela Cruz ABS-CBN News

Isa ang Palawan sa mga sinakop ng mga Hapon noong World War II. Marami rin sa mga Palaweño ang matapang na lumaban at naging gerilya noon.

Sa pagdiriwang ng ika-72 Kalayaan ng Palawan, pinarangalan at kinilala ang kanilang naging kontribusyon sa Kalayaan.

Ginawaran din ng mga bulaklak ang monumento ni Dr. Higinio Mendoza na itinuturing na bayani ng Palawan.

Sa Puerto Princesa City Baywalk, Plaza Cuartel at Iwahig Prison and Penal Farm na mga pangunahing pasyalan sa lungsod ngayon, itinayo ang historical landmarks at nilagyan ng photo wall ng mga sinaunang larawan na naipon.

Ang Baywalk ang dating sea plane base ng mga sundalong Hapon at Amerikano, sa Plaza Cuartel minasaker ang mahigit isang daang sundalong Amerikano. Labing isa ang nakatakas at lumangoy patungong Iwahig kung saan, tinulungan sila ng mga taga kolonya.

Makakatulong din daw ang mga photo wall para mas maintindihan ng mga bisita ang kasaysayan ng mga lugar na naging bahagi na ng kasaysayan ng Palawan, hindi lamang dahil isa ito ngayon sa mga pasyalan.

"Nagkakaroon na tayo ng tours para i-tour ang mga ito. Pwedeng walking tour and all that and eventually we will also have mga guided tours by the locals para ma-explain ang significance ng mga lugar na ito,” ayon kay Deborah Tan, ang president ng Palawan Tourism Council.