3 drug suspect, arestado sa Bulacan, Nueva Ecija

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2017 09:30 AM

MANILA - Arestado ang tatlong drug suspect sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Bulacan at Nueva Ecija.

Hindi na nakapalag si Kimberly Arsoden sa ikinasang buy-bust sa Calumpit, Bulacan kahapon.

Nakuha sa kanya ang nasa isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang may halagang limang milyong piso.

Ikinanta si Arsoden ng kanya umanong mga sinusuplayan na sina Melvin Samson at Gerlie Santiago, na nahuli kahapon sa Nueva Ecija.

Nakuha kina Samson at Santiago ang 120 gramo ng hinihinalang shabu na nasa 600,000 pesos umano ang street value.

Ayon kay Quezon City Police District Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang grupo ang nasa likod ng talamak na bentahan ng droga sa Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija at northern Metro Manila

"Kung saan merong buyer, dadalhin nila doon. Sa QCPD, hinahanap ang source. Kapag labas, nakikipag coordinate tayo. Pero di titigil hangga't di nahahanap ang source," ayon kay Eleazar.

Tikom ang mga nahuli kung sino ang pinagkukunan nila ng droga, pero may impormasyon na raw ang QCPD kung sino ang posible nilang supplier.

"Supplier nila is a Chinese national nakakulong sa Bilibid," ayon kay Eleazar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.