'Bato': Walang banta ng terorismo sa ASEAN Summit

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 08:18 PM | Updated as of Apr 21 2017 10:45 PM

Philippine National Police Chief Police Director General Ronald dela Rosa is seen during the Senate on Public Order and Dangerous Drugs joint with Justice and Human Rights Committees hearing. Joseph Vidal, Prib

MANILA (UPDATED/CORRECTED) – Walang natutunugang banta ng terorismo ang Philippine National Police (PNP) sa nalalapit sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na linggo.

Nagsimula nang ilatag ng inter-agency task force na magsisiguro ng seguridad para sa nasabing pagtitipon ang plano nito ilang araw bago magsimula ng ASEAN Summit sa Maynila.

Ayon sa mga kasapi ng task force, nag-ikot na si PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa command center ng security task force. Ayon sa kanya, “all systems go” na ang latag ng seguridad para sa ASEAN Summit.

Mahigit 20,000 pulis ang ipapakalat simula Linggo. Karamihan sa kanila ay galing sa National Capital Region Police Office at handa silang rumesponde sa kahit anumang banta sa seguridad.

“Wala naman tayong namomonitor. Pero kung meron mang nagbabalak, hindi sila magtatagumpay,” ani Dela Rosa.

Hindi gaya ng mga nakaraang malalaking pagtitipon, hindi masyadong maghihigpit sa mga lansangan ang PNP. Ang Philippine International Convention Center (PICC) lang ang naka-lockdown o bawal puntahan simula Abril 28.

Alinsunod daw ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na iwasang maperwisyo ang mga motorista sa mga araw ng pagtitipon.

“May iba na kasing daanan ngayon, tulad ng NAIA-EX, kaya ‘di na masyadong kailangan [ang lockdown],” sabi ni PNP Director Napoleon Taas, ang commander ng task force.

Handa na rin ang PNP sa mga inaasahang raliyista. “Maximum tolerance tayo. Pwede naman iyan, huwag lang silang manggugulo,” ani Dela Rosa.