2 patay matapos magulungan ng 18-wheeler sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 02:42 PM

Patay ang isang motorcycle rider at babaeng angkas nito matapos sumemplang at magulungan ng truck sa Zigzag Road sa Barangay San Jose sa Antipolo City nitong Biyernes.

Napisa ang ulo ni Danica Mae Cruz matapos umanong mahulog sa sinasakyang motor at magulungan ng 18-wheeler truck.

Pumailalim din sa truck ang driver ng motorsiklo na si Uvy San Juan na nagulungan ang bewang at nagkabali-bali ang mga binti.

Sa paunang imbestigasyon, paakyat ng Antipolo ang truck na may dalang semento habang pababa naman sa Teresa ang motorsiklo nang mangyari ang aksidente.

Aminado ang driver ng truck na si Sundy Bosotros na kahit paliko ang kalsada, nag-overtake pa rin siya matapos tumigil ang kaharap na truck.

Doon na bumulaga sa kanya ang paparating na motorsiklo.

"Nung nasalubong na, ang bilis ng takbo niya eh. Pagewang-gewang [ang] manubela niya [at] bigla siya[ng] natumba deretso sa ilalim ng truck,’’ salaysay ni Bosotros.

Nagmakaawa ang driver ng truck at dinepensang mabagal ang takbo niya habang mabilis naman ang motor kaya sumalubong sa kanya at hindi na niya naiwasan.

Hindi naman bago ang aksidente sa lugar.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng truck. -Angel Movido, ABS-CBN NEWS

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.