Tip laban sa Abu Sayyaf sa Bohol, dumarami dahil sa P1-M pabuya

Henry Atuelan, DZMM

Posted at Apr 20 2017 06:10 PM

PNP chief Ronald "Bato" dela Rosa

Nag-umpisa nang dumagsa ang mga impormasyon sa posibleng kinaroroonan ng mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf na tinutugis ng awtoridad sa Bohol.

Ito ang inihayag ni PNP Chief, Director Genera Ronald dela Rosa, makaraang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang P1-milyong pabuya para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng bawat isang bandido.

“Ganun ka intense yung ating manhunt operation not only by the security forces, by the PNP and the AFP but community approach na yung ginagawa nating approach dahil nag promise si Presidente ng P1-million sa bawat isang Abu Sayyaf na mahuli o mapatay doon sa impormante ibigay yung pera,” pahayag ni dela Rosa.

Abala na anya ngayon ang mga pulis sa Bohol sa paggalugad sa mga lugar na itinimbre sa kanila para makumpirma kung naroon nga talaga ang mga bandido.

Sinangayunan naman ni dela Rosa ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kapag hindi pa nila nakita ang mga bandido sa susunod na tatlong araw ay malamang nakalabas na ang mga ito ng Bohol.