Negosyanteng Hapon, patay sa pamamaril sa Maynila

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 12:13 AM | Updated as of Apr 21 2017 02:17 AM

Patay ang isang negosyanteng Hapon matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Roxas Boulevard kanto ng Pedro Gil Street sa Maynila ang sinasakyan nitong van mag-aalas-9 ng gabi Huwebes.

Kinilala ang napatay na si Seiki Mizuno, 48, isang negosyante.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, anim ang sakay ng van — apat na Hapon at dalawang Pilipino.

Galing umano sa isang restaurant sa Maynila ang grupo ni Mizuno at pabalik na ng kanilang hotel sa Pasay nang mangyari ang pananambang at pamamaril.

Maliban sa nasawing Japanese, sugatan rin ang isa sa mga Pilipinong biktima na si John Desbarro, na umano'y nagtamo ng sugat sa ulo.

Si Desbarro ang presidente ng Oakwave Philippines Corp., gumagawa ng mga cable harness para sa iba't ibang gadgets.

Napag-alamang Huwebes lang ng hapon dumating ng bansa si Mizuno para puntahan at suriin ang isang pabrika ng Oakwave sa bayan ng Tanza, Cavite.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.