Mekaniko, patay sa aksidente sa General Santos City

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 03:17 AM

Patay ang isang mekaniko nang sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang trak ala-1 ng madaling araw Huwebes. Courtesy of GenSan TMU

GENERAL SANTOS CITY — Patay ang isang mekaniko nang sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang trak ala-1 ng madaling araw Huwebes.

Dinig ng ilang residente sa junction ng Purok 2 at 14 sa Diversion Road sa Barangay Katangawan ang malakas na kalabog kaya nabulabog ang mahimbing nilang tulog.

Doon na nakita ang isang lalaking nakabulagta na sa gitna ng daan.

Sa imbestigasyon, nakilala ang biktima na si Marven Manansala na isang mekaniko.

Sumalpok umano ang minamaneho nyang motorsiklo sa gulong ng gitnang bahagi ng 10-wheeler truck.

Nagulungan pa umano sya na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Agad namang sumuko sa mga pulis ang driver ng trak na si Albert Sabobo.

Sabi nya sa mga pulis, kalalagpas lang umano nya sa crossing ng Purok 2 at 14 nang marinig nya ang kalabog.

Pauwi naman ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay Mabuhay. Galing umano ito sa kanyang kaanak.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide si Sabobo at nangako naman ng tulong ang may-ari ng trak sa pamilya ng biktima.

Simula Enero hanggang ngayong Abril, 615 na ang naitatalang road accident sa Gensan. Si Manansala na ang ika-16 na nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.