Mga nasawi sa aksidente ng bus sa Ecija, nadagdagan pa

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2017 03:01 PM | Updated as of Apr 20 2017 11:02 AM

MANILA - Umakyat na sa 35 ang bilang ng mga nasawi matapos bumulusok sa bangin ang isang pampaherong bus sa Carranglan, Nueva Ecija, inanunsyo ng Office of Civil Defense (OCD), Huwebes.

Nahihirapan pa rin ang mga awtoridad na tukuyin ang pagkakakilanlan ng 15 biktima dahil sa mga tinamo nilang pinsala sa katawan, ani OCD Cagayan Valley information officer Francis Joseph Reyes sa panayam ng DZMM Radyo Patrol.

Nananatili naman anya sa mga ospital ang 44 pang pasahero ng naaksidenteng Leomarick bus.

Sa kabuuan, lumilitaw anya hindi bababa sa 79 ang bilang ng mga pasaherong sakay ng bus nang bumulusok ito sa bangin nitong Martes.

Una nang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board spokesperson, Atty. Aileen Lizada na 50 hanggang 60 pasahero lamang ang kapasidad ng sasakyan.

Ikinuwento naman ng ilang survivor na nawalan ng preno ang bus. Ilan sa kanila ang nagsabi ring pumutok umano ang unahang kanang gulong nito, ayon kay Yarra.

Nagkahiwalay ang chassis at bubong ng bus dahil sa tindi ng pagbulusok nito sa bangin.

Napag-alaman ng LTFRB na posibleng naka-ambag sa aksidente ang kawalan ng sapat na traffic sign at hindi maayos na concrete barrier sa lugar.

Ipinag-utos na ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na imbestigahan ang barrier at traffic signs sa crash site.

-- May ulat ni Henry Atuelan, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.