Mag-live-in partner sa Agusan del Norte, patay sa pamamaril

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 10:19 PM | Updated as of Apr 18 2017 11:04 PM

Photo courtesy of Tubay PNP

TUBAY, Agusan del Norte - Hinihinalang may kinalaman sa iligal na droga ang pagpatay sa mag-live-in partner na pinagbabaril Lunes ng gabi sa Barangay Tagmamarkay.

Nakilala ang mga biktima na sina Renato Rivera, 58 anyos, at Shirley Lim, 38 anyos, na taga Barangay Doña Rosario.

Ayon sa mga imbestigador, nagtamo ang dalawa ng maraming tama ng baril. Papauwi na sana sila sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Hindi pa nakikilala ng mga pulis sa Tubay kung sino ang dapat managot sa pamamaril. Hindi pa rin nila natukoy kung ano ang motibo sa pagpatay, subalit hindi isinantabi ng mga otoridad ang posibilidad na may kinalaman ito sa ipinagbabawal na gamot.

Natagpuan sa crime scene ang pitong sachet ng methamphetamine hydrochloride, na kilala rin sa pangalang “shabu,” at ang isang papel na may nakasulat na “Tanang mamaligya og shabu among patyon (Lahat ng nagtutulak ng shabu papatayin namin). "

"Lumalabas po sa initial investigation po namin na drug-related po ito, pero mag-a-add pa po kami ng masusing imbestigasyon para malaman kung ano po talaga ang dahilan sa pagkamatay ng mga biktima," ani PO3 Herbert Estoque sa isang panayam.

Nilinaw ng mga otoridad na wala sa kanilang drug watch list ang mga biktima, at hindi rin sila nakalista sa Oplan Tokhang nitong nakaraang taon.

Natagpuan sa pinangyarihan ng insidente ang apat na basyo ng bala ng kalibre-.45 baril, at dalawang buhay na bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.