Driver, nasawi rin sa pagkahulog ng bus sa N. Ecija

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2017 07:08 AM | Updated as of Apr 19 2017 08:04 AM

MANILA - (UPDATED) Kasama ang isa sa mga driver ng bus sa mahigit 30 nasawi matapos mahulog ang kanilang sasakyan sa isang bangin sa Carranglan, Nueva Ecija, kinumpirma ng pulisya Miyerkules.

Kinilala ng mga kaanak ang isa sa mga nasawing driver ng bus na si Cesar Perang, ayon kay Senior Inspector Ariel Gabuya, hepe ng pulisya ng katabing-bayan ng Sta. Fe sa Nueva Vizcaya, na kabilang sa mga unang rumesponde sa aksidente.

Gayunman, hindi anya tiyak kung si Perang ang mismong nagmamaneho ng bus nang mangyari ang aksidente dahil 2 ang driver ng sasakyan.

"Hindi po natin alam kung siya ang may hawak ng manibela. May alternate driver po, 2 ang driver," paliwanag ni Gabuya sa panayam ng DZMM.

Nagmula ang bus sa probinsya ng Isabela at patungo sana sa lalawigan ng Ilocos Sur. Aabot sa 15 oras ang biyahe sa pagitan ng 2 probinsya kaya kinakailangang magkaroon ang bus ng 2 magkahaliling driver, ayon kay Gabuya.

Dakong alas-10 Martes ng umaga nang mahulog ang Leomaric Trans Bus sa isang bangin na may lalim na 100 hanggang 150 talampakan sa Sitio Nursery, Barangay Capintalan sa Carranglan, habang lulan ang tinatayang 60 katao.

Ayon sa isa sa mga nakaligtas sa aksidente, hindi mabilis ang takbo ng bus. Sinubukan pa umano ng driver na patigilin ang sasakyan pero nawalan na ito ng preno.

Sinubukan din umano ng driver na ikabig palayo sa bangin ang bus, pero iniiwasan din nito ang mga bahay sa gilid.

Nagkahiwalay ang chassis at bubong ng bus dahil sa tindi ng pagbulosok nito sa bangin, ayon kay Gabuya.

Umabot na sa 31 ang nasawi habang 46 naman ang nasaktan, batay sa pinakahuling tala mula kay Senior Superintendent Antonio Yarra, direktor of the Nueva Ecija Provincial Police Office.

Nagtamo ng mga serious injury ang karamihan sa mga survivor na dinala sa iba't ibang hospital sa mga bayan ng Sta. Fe, Aritao, Bambang at Bayombong sa Nueva Ecija.

-- May ulat ni Henry Atuelan, DZMM