Bata, nalunod sa Manila Bay

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 03:52 PM | Updated as of Apr 18 2017 05:06 PM

Patay ang 6 na taong gulang na batang lalaki matapos malunod sa Manila Bay na sakop ng Parola compound.

Ayon kay Amalia Milla, lola ng nalunod na bata, nag-aayos lamang daw siya ng mga paninda niyang uling bandang alas 10 ng umaga kahapon nang hindi namamalayang wala na ang apong si Vince Adrian. 

Naligo si Vince Adrian kasama ang ilang kapitbahay na bata nang hindi nagpapaalam sa kanyang lola.

Inabot ng halos 3 oras bago natagpuan si Vince na wala nang buhay.

Sabi ng lokal na pamahalaan ng Maynila, matagal na nilang pinagbabawal ang paglangoy sa Manila Bay at mga kalapit na ilog gaya ng Ilog Pasig pero ang problema, hindi umano nila makontrol at marami pa rin ang sumusuway sa ordinansa.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, kahit daw pagsama-samahin ang pwersa nila, ng pulisya, at ng Philippine Coastguard ay hindi mapipigilan ang ilan na sumuway.

Aminado ang lokal na pamahalaan na napakalimitado ng kanilang pwersa para pigilan ang mga taong maligo sa Manila Bay kaya patuloy pa rin ang pag-iisip nila ng paraan para maiwasan ang mga sakuna gaya ng pagkalunod.