79-anyos na lola nakapagtapos ng Grade 10

Kat Domingo, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 02:10 PM | Updated as of Apr 18 2017 02:53 PM

Masigabo at nakakabinging palakpakan ang sumalubong sa isang 79-anyos na lola nang dumalo siya sa moving up ceremony ng Fort Bonifacio High School sa Makati matapos makumpleto ang Grade 10.

"Palakpak sila nang palakpak. Pa-picture pa nang pa-picture. Uuwi na nga ako nagpapa-picture pa din," kuwento ni Salvacion Nacario sa isang panayam sa DZMM.

Ayon kay Lola Salvacion, naantala ang kanyang pag-aaral noong bata pa siya dahil sundalo ang kanyang ama at madalas mapalipat-lipat ng tirahan ang kanilang pamilyang may 16 na magkakapatid.

"Kung saan madestino ang tatay ko, kasama kami. Mula Cavite, Laguna, pa-ikot yan hanggang Quezon province at Bicol kaya patigil-tigil ako," kuwento ng lola.

"Labing-anim kaming magkakapatid, kalahati namatay noong panahon ng Hapon. Puro mga lalaki ang mga kapatid ko kaya ako ang pinakahirap sa pagtulong sa pag-aalaga ng mga kapatid ko," dagdag niya.

Matapos makapag-asawa at makabuo ng sariling pamilya, naisipan ni Lola Salvacion na bumalik sa pag-aaral noong taong 2013.

"Gusto ko madagdagan ang kaalaman ko kahit matanda na ako. Gusto ko yun ang libangan ko sa buhay kesa yung magsugal."

Natapos ng 79-anyos ang Grade 7 hanggang Grade 10 sa loob ng apat na taon sa ilalim ng "Alternative Learning System" na naglalayon na maibalik sa eskuwelahan ang mga estudyanteng matagal na tumigil sa pag-aaral.

"Tinya-tiyaga ko. Minsan (gumagamit ako ng) dictionary para sa mga nouns, pronouns, adverbs," sabi ng lola.

Ayon kay Lola Salvacion, bukod sa mga aralin tungkol sa iba't ibang anomalya sa gobyerno, mas nahirapan siya sa pag-aaral ng makaranas ng mild stroke at magkaroon ng katarata.

Dahil sa lagay ng kanyang kalusugan, inilipat si Lola Salvacion sa "Open High School System" ng paaralan na idinisenyo para sa mga mag-aaral na hindi kayang pumasok sa eskuwelahan araw-araw.

"Mahirap talaga pero nasa tao naman yun kung talagang interesado matuto. Sa edad kong ito, sinikap ko pa din matuto," sabi ng lola.

Plano ni Lola Salvacion na magpahinga sandali bago ipagpatuloy ang pag-aaral hindi lamang ng high school, ngunit maging ng kolehiyo, para makapagpundar ng sariling negosyo.

"Maka-apak lang ako ng 2 taon sa college, tama na. Gusto ko yung magma-manage ako ng business," sabi ng lola na piniling ipagpatuloy ang mga pangarap nang hindi alintana kanyang edad.