4 drug suspect, huli sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 09:52 AM

Arestado ang apat na drug suspect kabilang ang umano ay operator ng isang drug den sa isinagawang raid sa Reposal Street, Upper Bicutan, Taguig City.

Ayon kay Police Chief Insp. Jonathan Arribe ng Taguig PCP 2, naaktuhan ang mga suspect sa shabu session sa bahay nina Michelle Pineda at James Ralutin na ginawa umanong drug den.

Itinanggi naman ni Pineda ang paratang ng pulisya kaugnay sa pagpapatakbo niya ng drug den.

''Pag-uwi ko andun na sila. Wala po akong alam doon,'' tanggi ni Pineda.

Nahuli sina Pineda, Michael Gempesao, Michael Hesita at Pendatun Salazar habang si Ralutin at isa pang alyas ‘Biboy’ ay nakatakbo sa may bubongan at nakatakas.

Bagamat todo-tanggi ang mga suspect, iginiit ng pulisya na malinaw sa mga nakuhang ebidensya, kabilang ang 6 na sachet ng hinihinalang shabu, ang kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Matagal na umanong nasa drug watchlist ng lungsod ang mga suspect, at nabisita pa sa Oplan Tokhang pero tumangging sumuko.

Ito na ang ika-apat na raid sa Reposal, kung saan aabot na sa mahigit 30 ang naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.