Tindero ng balut sugatan sa pagsabog sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 02:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa ang sugatan sa pagsabong ng pinaniniwalaang improvised explosive device (IED) sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao nitong Lunes ng gabi.
    
Sa imbestigasyon ng pulis, napag-alaman na isang balut vendor ang nasugatan dahil sa tama ng shrapnel sa binti.

Malapit lang sa kampo ng 6th Infantry Division ang pinangyarihan ng pagsabog.

“Iyung sumabog is nakalagay lang diyan sa lupa. Hindi naman natin nakikitang tinanim kasi siyempre kung tinanim 'yan, napakalaki ng crater. Walang nakapansin doon sa naglagay,” ani Superintendent Lendsy Sinsuat, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station.

Hindi pa matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog, pero para sa pulisya, wala itong kinalaman sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

“Purely siguro pananakot lang ito kasi kung terroristic naman, dapat nilagay sa napakaraming tao,” sabi ni Sinsuat.

Base sa post-blast investigation ng Explosive Ordnance and Disposal Team ng militar, posibleng gawa sa .81 millimeter mortar shell ang pampasabog.

Naghigpit na ng seguridad sa lugar matapos ang insidente.
    
--Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.