May-ari ng 'sumingaw' na kemikal sa Davao, pinaghahanap na

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 07:44 PM

Pinaghahanap na ng mga awtoridad sa Davao City ang itinuturong may-ari ng matapang na kemikal na sumingaw at nagdulot ng sakit sa 42 katao nitong Lunes. 

Matatandaang nasa 42 residente sa barangay Sasa, Davao City ang ginamot sa loob ng ambulance bus ng Central 911 matapos makalanghap ng masangsang na amoy. Labindalawa sa mga ito, kinailangang isugod sa ospital.

Sa imbestigasyon ng mga rumespondeng opisyal, napag-alamang nagmula ang masangsang na amoy sa kemikal na pag-aari ng isang alyas "Duco." 
    
Wala si Duco sa bahay at tanging kamag-anak lang niya ang inabutan ng mga awtoridad.

"Hindi 'yun basta-bastang kemikal lalu't nakuha 'yun kay [Duco] na kuwestiyonable talaga ang reputasyon sa komunidad," ayon sa chairman ng barangay Sasa na si Toto Flores.

Pinaghahanap na ngayon ng awtoridad si Duco.

Ayon sa ilang biktima, nakaranas sila ng pagkahilo, pananakit ng ulo at tiyan.

Ang 14 anyos na si alyas "Pia," nagising na lang umano dahil sa kakaibang amoy na nalanghap.

"Nahilo ako, sobrang baho! Nagising nga ako dahil sa amoy, ginising ko rin ang kapatid ko, at doon ko na naramdaman ang pananakit ng ulo," ani Pia.

Hawak ngayon ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang mga nakuhang kemikal, at itu-turnover ito sa Fertilizer and Pesticide Authority.

"Any chemical actually must be in their proper container...Sa inhalation natin ang mga bata naka-feel ng dizziness pero attended na sila," ani Fire Officer 3 Donn Anloague, hepe ng Special Rescue Unit ng Davao City Fire District.

Isasailalim pa sa pagsusuri ang kemikal na nasamsam sa bahay ni Duco para matukoy kung anong klase ito.

--Ulat ni Berchan Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.