Higit 3,000 tanim na marijuana, nadiskubre sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 08:07 PM

Kuha ng Columbio Police Station

Winasak at sinunog ng mga awtoridad sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat nitong Lunes ang natira sa mahigit 3,000 tanim na marijuana na kanilang nadiskubre noong Abril 12.

Kuha ng Columbio Police Station

Natuklasan noong Abril 12 ng pinagsamang puwersa ng mga pulis at militar sa kabundukan ng Sitio Alyong, barangay Datalblao sa Columbio ang isang lupain, kung saan tumambad sa kanila ang mga tanim na fully grown marijuana.

Agad nila itong binunot, at karamihan ay sinunog na rin nila sa kabundukan. Ang mga natira naman, gagamitin nila bilang ebidensiya.

Kuha ng Columbio Police Station

Tinatayang nasa P600,000 ang halaga ng mga narekober na puno ng marijuana.

Ayon sa provincial director ng Sultan Kudarat police na si Senior Superintendent James Gulmatico, hindi pa nila tukoy ang may-ari ng lupain kaya't hindi nila makumpirma kung sadyang itinanim ang mga marijuana.

Kuha ng Columbio Police Station

Walong ektarya pa umano ng kabundukan na hinihinalang may tanim ng marijuana ang hindi nila napapasok.

Ayon sa awtoridad, isang residente ang nakapag-tip sa kanila kaya natunton ang mga tanim na marijuana. 

Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa kanila sa paglaban sa ilegal na droga.

--Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.