68-anyos na balikbayan, patay nang makaladkad ng bus

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 12:24 AM

PILI, Camarines Sur - Dead on the spot ang 68 anyos na si Cosme Cabaltera matapos pumailalim sa pampasaherong bus ang minamaneho nitong motorsiklo sa bayan ng Pili, Camarines Sur Lunes ng madaling araw.

Halos 10 metrong nakaladkad si Cabaltera ng bus ng AMV Tours.

Ayon kay SPO1 Philip Nachor ng Pili, Camarines Sur police, binabaybay ni Cabaltera ang Maharlika Highway sa bahagi ng Barangay San Agustin at liliko sana pa-kaliwa papuntang Pili Diversion Road nang mahagip at makaladkad ng AMV Tours.

Matapos nito, bumangga pa ang bus sa poste ng kuryente na naging dahilan ng brownout sa lugar.

Kakauwi lang galing Canada ni Cabaltera na plano sanang ipagawa ang kanilang bahay sa Barangay Sagrada sa Pili.

Tumangging magbigay ng pahayag ang drayber ng bus na si Allan Riego, 38 taong gulang na residente ng Barangay Iluuan, Camalig, Albay.

Kung hindi madala sa areglo, kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kasong kakaharapin ni Regio.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.