3 kaanak ng mga Parojinog, arestado sa La Union

Dynah Diestro at Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 07:47 PM

Arestado ang tiyahin ng napatay na Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at 2 pang kaanak sa isang checkpoint sa San Fernando, La Union sa bisa ng arrest warrant nitong Lunes ng hapon.

Arestado si Rizalina Francisco kasama ang asawa nitong si Manuelito Francisco at ang kanilang anak na si June Francisco.

Ayon kay Supt. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City Police, si Manuelito ay lider ng Dragon Francisco Group na isa umanong organized crime group sa Misamis Occidental.

Ayon naman kay Senior Insp. Dennis Tano, deputy chief of police, dating miyembro ng Kuratong Baleleng Group si Manuelito. 

Pero ayon kay Chief Supt. Romulo Sapitula, direktor ng Police Regional Office 1, si Manuelito ay hinihinalang co-founder ng Kuratong Baleleng Group na hinihinalang sangkot sa pagnanakaw, pagbebenta ng ilegal na droga at extortion. 

Wanted umano ang tatlo sa kasong illegal possession of firearms, ammunition and explosives ayon sa mga awtoridad.

Nasa kustodiya ng San Fernando Police Station ang mga suspek.

Kasalukuyang Ozamiz City Councilor si Rizalina, habang dating barangay chairman ng San Roque, Ozamiz City si June.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.