17 sugatan sa aksidente sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 06:29 AM

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

EL SALVADOR CITY, Misamis Oriental - Sugatan ang 17 katao matapos dumiretso sa damuhan ang isang bus sa Barangay Taytay, El Salvador Lunes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, nag-overshoot umano ang Rural Transit Bus matapos itong mag-overtake sa isang trak.

Tinangka pa ng drayber na si Junimar Balatero na i-maneuver pa-akyat ang bus pero dumiretso ito sa damuhan.

Galing ang bus sa Cagayan de Oro City at patungong Pagadian City sa Zamboanga del Sur.

Sugatan sa noo ang drayber matapos tumama ang isang kahoy sa harapan. Sugatan din ang konduktor.

Nasa 15 pasahero ang nagtamo rin ng mga sugat sa katawan. Agad dinala sa ospital ng lungsod ang mga biktima.

Dalawa sa mga biktima na sina Ivy Uban at Diube Lily Abragan ang dinala sa Cagayan De Oro City para magpa-X-ray.

Ayon sa pamunuan ng Rural Transit Bus, handa naman nilang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima.

Nasa kustodiya na ng El Salvador City police si Balatero.

Kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries ang inihandang kaso ng mga pulis laban sa drayber. - ulat ni Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.