Militar, rebeldeng NPA, nagpalitan ng putok sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 09:57 PM

SAN CARLOS CITY, Negros Occidental - Patuloy ang hot-pursuit operation ng 79th Infantry Battalion laban sa naka-engkwentrong miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Guadalupe, San Carlos City.

Ayon sa pahayag na inilabas ng militar, bandang alas-8 ng umaga Lunes nang nagsagawa ng patrol operation ang mga sundalo sa kabukiran ng San Carlos City.

Pagdating sa Barangay Guadalupe, pinaputukan sila ng higit kumulang 30 hanggang 40 miyembro ng NPA.

Lumaban rin ng putok ang scout platoon ng 79th IB. Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok.

Nakuha ng militar sa encampment site ng NPA ang isang solar panel at ilang mga dokumento.

Wala namang naiulat na namatay sa nangyaring sagupaan.

Samantala, sa kalapit na barangay, may 30 pamilya ang inilikas dahil sa pangambang matamaan ng ligaw na bala.

Nasa eskwelahan ngayon sa Sitio Nalagon sa Barangay Nataban ang ilang takot na mga pamilya.

Sinisiguro naman ng San Carlos Police na hihigpitan pa ang seguridad sa nasabing lugar lalo't nalalapit na ang eleksyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.