Bangkay na nakabalot sa garbage bag nadiskubre sa C-5

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 07:19 AM

MANILA - Natagpuan ang isang hinihinalang biktima ng "salvaging" sa service road ng C-5 Barangay Pinagsama, Taguig ngayong Lunes.

Nakabalot sa isang itim na garbage bag ang katawan ng lalaki nang makita ito sa tabi ng Heritage Park, sabi ng tanod na si Felipe Baldoza Jr.

May plastic bag at naka-tape din aniya ang ulo ng biktimang nakasuot ng pulang shirt at brown shorts.

Nakita rin ang isang ice pick sa tabi ng bangkay na may saksak sa tagiliran.

Walang nahanap na ID sa bangkay, pero ipinagpapalagay ng mga awtoridad na nasa 25-anyos ito.

Posible rin anilang pinatay ang lalaki sa ibang lugar at itinapon lamang sa Taguig.

Dagdag ng mga barangay official, hindi ito ang unang beses na may bangkay na tinapon sa lugar na madilim at liblib.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at kung ano ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.