12 na-ospital matapos makalanghap ng insecticide sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 10:18 PM

DAVAO CITY - Nabulabog ng mabahong amoy ang mga residente ng Km.9 sa Sto. Nino, Sasa, Davao City Lunes ng umaga.

Ayon sa 14-anyos na residenteng si "Pia", nagising siya nang malanghap ang amoy ng kemikal. Sumakit ang kanyang tiyan at nagsuka siya dahil dito.

Aabot sa 42 ang apektadong residente. Ang ilan ay nilapatan ng first aid, habang ang 12 sa kanila ay isinugod sa ospital.

Ayon kay Donn Anloague, hepe ng Special Rescue Unit ng Davao City Fire District, nagmula sa bahay ng isang alyas Duko Sanchez ang nasabing kemikal.

Wala sa kanyang bahay si Sanchez nang magsagawa ng clean-up ang awtoridad.

Ibinalot sa cellophane ang kemikal at inilagay sa loob ng basurahan.

Ayon sa Environmental Management Bureau, itu-turn over nila sa Fertilizers Pesticide Authority (FPA) ang nasabing kemikal para maimbestigahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.