4 bata, lalaki patay sa pag-aamok ng 'drug user' sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 03:42 PM | Updated as of Apr 15 2018 03:52 PM

Suspek patay rin matapos umanong makatakas 

SIRAWAI, Zamboanga del Norte - Napatay ang 4 na bata at isang lalaki sa bayan na ito noong Sabado matapos magwala at managa ang isang hinihinalang drug user. 

Napaslang din ang 34-anyos na suspek matapos umanong subukang mang-agaw ng baril ng pulis. 

Ayon sa pulisya, unang inatake ng suspek ang dalawang batang edad 10 at 11 na naglalaro kasama ang kanilang ama sa isang abandonadong bahay sa Barangay Pulang Lupa.

Agad pumanaw ang 3 biktima dahil sa sugat sa leeg. 

Sunod na pinaslang ng suspek ang dalawang 7-taong-gulang na bata sa kalapit na quarrying site. 

Agad namang naaresto ang suspek na hinihinalang lango sa droga, ayon kay Chief Insp. Pocholo Guerrero, hepe ng Sirawai police. 

Dinala aniya sa presinto ang suspek, pero nakatakas ito nang magpaalam na gagamit ng banyo, Linggo ng madaling-araw. 

Nakorner siya sa sementeryo makalipas ang nasa 1 oras. Pero sinubukan umano ng suspek na agawin ang baril ng mga pulis, dahilan para barilin at mapatay siya ng mga ito, sabi ni Guerrero. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.