Pari, 4 pang iba sugatan sa salpukan sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2017 08:55 PM

Ayon sa pulis, kinain ng Isuzu Crosswind ang linya ng Sportivo na naging dahilan ng aksidente sa Camarines Sur nitong Huwebes. Courtesy of Ocampo Municipal Station

OCAMPO, Camarines Sur — Isang pari at isang abogado ang kabilang sa 5 sugatan matapos masangkot sa head-on collision na nangyari Huwebes ng hapon sa Camarines Sur.

Ayon kay Chief Inspector Stephen Cabaltera, hepe ng Ocampo Police, nagsalpukan ang mga sasakyan ng abogadong si Kim dela Fuente at si Fr. Roldan Tordilla sa Barangay Old Moriones sa bayang ito.

Minamaneho ni Dela Fuente, ng bayan ng Goa, Camarines Sur, ang Isuzu Sportivo kasama ang kanyang asawa na si Ruby. 

Samantalang sakay naman ng Isuzu Crosswind si Tordilla, kura paroko ng San Rafael Parish ng bayan ng Tigaon, kasama ng drayber na si Ruel Tordilla at ang isang Michael Masbate.

Ayon kay Cabaltera, kinain ng Isuzu Crosswind ang linya ng Sportivo na naging dahilan ng aksidente.

"(Iyong sasakyan) ni father, nagawi ito sa left direction dahil mainit sa lane niya, pumunta siya sa kabilang linya . . . na-miscalculate niya iyong incoming vehicle and then iyong incoming vehicle naman akala di sila magpapang-abot. Pareho silang matulin ang takbo," ani Cabaltera.

Patuloy na nagpapagaling pa ang mga biktima sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.